Saturday, May 5, 2007

Pagsuko't Paglaya


Hayaan mong kumulambo sa'yo
ang init ng nagpupulahang lalamunan
upang ika'y ihango
sa bulong ng mga ulupong
na nakangiti't mapagpanggap.

Hayaan mong kanin ka
ng lagkit ng aspaltong kalsada,
dumugin ng alikabok
ng mga bangketa
at busalan ng panghi
nitong maitim na imburnal.

Hayaan mong bihagin ka
sa rindi,
ng ingay ng mga yabag
ng sandamukal na mga paang
pudpod at walang humpay na gumagaod.

Unti-unti kang humakbang.
'Wag mong pigilan
ang halina ng pakikibaka.
'Wag mong pigilan
ang iyong paglaya.

No comments: