Saturday, July 28, 2007

Ang Bumulong ng Walang Mic sa Entablado


Gaano kaya kasinsin

ang pagkakaayos
ng isang munting tinig,
sa kabila ng dagok
ng entabladong nagbigay sa iyo
ng malaking puwang
at ng madlang pinaingay ng katahimikan?
Ganito bumulong ng walang mikropono
sa entablado;
Buksan lahat ng kalye
mula sa iyong mga mata
patungo sa mata ng madla
at doo'y padagsain ng matulin
ang nagsisimbalayang ingay
ng mga sasakyan nito.
Padaluyin
ang sabik na sabik mong dugo
na gugulantang sa iyong katawan
at kakain sa laki ng entablado.
Ngayon mo basagin
ang ingay ng katahimikan.
Sa buo mong paggalaw
unti-unti ang bumulong
sa pagsang-ayon ng iyong damdamin.
kubkubin mo ng buong tapang
ang mga tengang walang laman,
at patayuin ang iyong tinig
sa tore ng pagkamulat...
...hanggang mabingi ang madla
sa ingay
ng ibinulong mong katotohanan.