Sunday, September 23, 2007

Pakikipanig sa Kaluluwa

Sarili ang kaniig sa bawat panahong nagnanasa ng katipan
Ang panahon ng paghanap sa anuman ay lalong kawalan
Ninanamnam ang apdo, latigong sa katawa'y pumipilipit
Ngunit sapat na ang sarili upang makapalitang hinga at init

Sarili ang kasuyo tuwing hinahangad abutin ang kasukdulan
Pawis ay patuloy ang patak ka-ritmo ng ulan
Hinahagkan bawat saglit ng lubusang pag-iisa
Kasama ang sariling sarili at wala nang iba

Sarili ang kahingahan, sarili ang kalapit
Sarili ang kaisa, sarili ang kapalit
Sarili ang kaulayaw, sarili ang kasandig
Sarili ang kasayaw, sarili ang kapintig

Sarili ang pag-iral at sarili ang pagtatapos
Sa pagmulat ay sarili, sa sarili'y pagraos