Sa isang talakayan sa Kasaysayan ng Pilipinas tungkol sa pagtataksil ng mag-asawang Diego at Gabriela Silang sa bayan, nabanggit ng aking propesor noong ako'y nasa unang taon sa Unibersidad na ang salitang "Utol" ay nagmula sa salitang "Kaputol" tulad na rin na ang pinanggalingan ng "kapatid" ay sa salitang "ka-patid".
Ngayon, iniisip ko, saan naman kaya nanggaling ang salitang "Kabit"? Meron din kaya itong malalim na pinanggalingan? Malalim nga ba ang kahulugan ng limang letrang ito upang ito'y makawasak ng pamilya, makasira ng pagsasama, makabasag sa pagtitiwala at minsan makapatay?
Sa kabuuan, ginagamit ang salitang Kabit sa isang karelasyon ng isang taong kasal na. Sa atin, madalas itong gamitin patungkol sa ibang babae ng ating asawa. Ngunit ano o sino nga ba ang tunay na Kabit? Bakit ito nagdudulot ng sakit?
Para sa akin, ang tunay na Kabit ay hindi tao lamang. Maaari itong bagay, pangyayari o isang pag-uugali. Para sa akin, ang tunay na kahulugan ng kabit ay kahit ano na magdudulot sa isang kabiyak ng lubos na kalungkutan. Tama, lubos na kalungkutan at hindi galit. Dahil ang galit at selos ay hindi dulot ng Kabit kundi ng kalungkutan ng isang taong nagdaramdam.
Isang halimbawa ay kung ang iyong asawa ay wala man ibang babae ngunit nawawalan naman ng panahon sa inyong pagsasama sanhi na rin ng trabaho, kaibigan o bisyo. Ang mga oras na ginugugol niya sa mga bagay na ito ay mas marami pa sa mga panahong dapat ay para sa'yo. May kulang - na alam mong kaya naman niyang punan ngunit sadya lang hindi niya nais. Para pa nga sa akin ang pagkakaroon ng ibang babae ng isang asawa ay hindi pagkakaroon ng kabit, ngunit ito'y proseso lamang ng "pangangabit". Ang Kabit sa sitwasyong ito ay ang malaman mong may mga bagay na ginagawa ang asawa mo sa ibang tao na dapat sana ay para sa'yo lamang o 'di naman kaya mga bagay na ginagawa niya sa ibang babae na hindi niya man lamang nagawa sa'yo. At dahil din sa halimbawang ito, hindi lamang babae ang maaaring maging instrumento ng pangangabit. Maaari ring lalaking kaibigan ng iyong asawa.
Hindi man malinaw ang aking paliwanag sa kahulugan ko ng Kabit, isa lamang ang aking alam - kung walang kulang sa pagsasama, walang Kabit. Hindi dahil perpekto ang iyong kabiyak ngunit dahil tanggap mo ang kanyang mga pagkukulang. At sa oras na alam mong hindi pala ito tunay na pagkukulang, huwad lamang sa iyong mata dahil sa ibang tao o bagay ay naibibigay niya, nag-uumpisa na ang pangangabit. Nagiging masakit at malungkot ang lahat. Matatanong mo bigla kung may pagkukulang ka ba, kung may mali ba sa'yo at kung hindi mo ba siya napapasaya. At pagkatapos nito, sisidhi ang galit sa sarili at sisisihin mo ang lahat at dito mag-uumpisa ang paggawa ng mga bagay na hindi tama, mga bagay na nakakasakit sa sarili at sa iba.
Sana sa kasaysayan, kung ang Kabit man ay hango sa salitang "Kakabit", naipinta ang salitang ito sa isang paraang maganda. Dahil tulad ng Utol at Kapatid, ito ay isang salitang nag-uugnay. At lahat ng nag-uugnay ay nararapat lamang maging mabuti at masaya. Hindi isang mabigat na kalungkutan tulad ng turing natin sa isang Kabit ngayon.
No comments:
Post a Comment